Hawak-hawak mo ang aking kamay nang mahigpit
Ako’y tinutunaw ng malalagkit mong pagtitig
Ang yakap ng iyong mga bisig ay nakakapanghina
Sa iyong paghinga, ako'y nawawala.

Ang iyong marahang paghalik ay parang kuryenteng unti-unting dumadaloy sa buo kong katawan 
Humuhugot sa aking lakas at katinuan 
Hindi ko maipaliwanag ang dulot ng iyong pag-ibig 
Ang ligaya sa puso ko ang dahilan ng pagpintig. 

Dinilat ang mga mata nang dahan-dahan 
Ngiti'y gumuhit sa aking mga labi at natigilan 
Hawak ko pala'y hindi ang iyong kamay 
Kundi papel, panulat at ang pag-ibig na patay.

HANGGANG TULA NA LANG
Sinulat ni: Pilosopo Takyo
ika-25 ng Disyembre 2014

Comments

Popular Posts