Tula-tulaan, Sana Tamaan



Lunes, araw pagkatapos ng aking kaarawan
FX ang aking sinakyan
Nag-isip, nagtanong, "Ano kaya'ng negosyo ang aking sisimulan?"
Walang naisip, napagod, aklat ang kinahantungan.

Sabi ko, "Gusto ko’ng mag-akda ng isang aklat."
Tanong ko, "Ano kaya’ng tema at pamagat?"
Tungkol sa narsing? sa pera? sa buhay? Basta huwag lang nobela
Ang daming naisip, nagkahalo-halo, pumasok si Napoles, sumunod ang baboy, nauwi sa baka.

Makisama sa rally? Naisip pero hindi ginawa
Magcomment sa Facebook? Nagpost na, ni-like pa
Gumawa ng artikulo? Maaari, pero nawalan ng gana
Tula kaya? Hindi alam ang panuntunan, pero ito binabasa mo na.

Isa itong tula-tulaan, walang sukat, linya o kung ano mang tawag ng mga pantas
Ang nais ko lang ay damdami'y mailabas
Ang pakay lang ay makibaka laban sa mga baboy
Kawawang baboy, nabababoy ng mga taong naging baboy. Paumanhin baboy.

Nang bumulong si Benhur Luy
Lumabas ang mga sandamakmak na babuy
Gaano ba kalakas ang bulong mo Kuya Luy?
Pati buwayang nasa lupa, kumaripas sa tubig para lumanguy!

Mali naman kasi ako, ang Filipino ng 'whistle blower' ay 'tagapito'
Ang 'whistle' ay ginamit bilang pangngalan, pandiwa ang unang naisip ko
Kaya pala malakas, marami tuloy ang nabuko
Pati sa mga wheelchairs, maraming mauupo.

Kawawang mga Pilipino, pinagloloko ng mga kapwa Pilipino
Simpleng Pilipino na umorder sa Jollibee ng value meal na paborito
Kinain, nabusog, dinumi, nagoyo
Ngayon, kakain ka pa ba sa Jollibee? Sagot ay itago.

"Hiyang-hiya naman ako sa inyo noh!", sabi ni Mr. Assimo
Daig mo pa’ng maghokus-pokus ang mga mahuhusay na madyikero
Hulaan ko pangarap mo noong biik ka pa,
Maging isang propesyonal na magnanakaw, tama ba?

Kailan ba mapapasô ang lisensya mo?
Sunôg na kaluluwa mo sa impyerno, pero hindi ka pa rin napapaso
Ano’ng paaralan mo? Panigurado hindi ako doon nag-aral
Sa angkan mo, hindi rin ako papakasal.

Hindi bale, bida-kontrabida ang papel ko
Kaya pagkatapos mo akong apihin, babangon ako!
Sa susunod na eleksyon, panigurado ikaw ay burado
Ligawan mo man ako, basted ka na friendzone ka pa! In short--- TALO!

Ang lupit mo, bilyon ang ninakaw mo
Ano’ng akala mo sa bilyon, piso?
Na kapag ninakaw mo ay walang magwawala?
Ngayon, sa’yo ang maraming mawawala.

Sana hindi ito tulad ng ibang isyu ng bayan
Una’y isang malakas na bomba na kinalauna’y naging bula na biglang naglaho
Sana mangibabaw ang katotohanan
Dahil kung hindi, burahin na sa diksyunaryo ang salitang ‘totoo’.

Hindi lang ako ang cowboy at cowgirl dito
Marami kaming makikibaka laban sa’yo
Kaya ikaw na baboy ka, magpakatao ka na
Sige ka, baka mahanginan ka.

Sana sa tula-tulaan kong ito ay tamaan ka
Para mabasag ka ng piggy bank ka
Sana hindi ka magbingi-bingihan at magbulag-bulagan sa aming hinihingi
Huwag kang mag-alala, ang mabuting pagbabago ay hindi pa naman huli.

Sulat ni: loveluytakyo
Sept. 16, 2013


Comments

Popular Posts